Ang nakaraan
Four years ago sinubukang makipagsapalaran ng bunso kong kapatid sa bansang UAE o mas kilala sa tawag na Dubai. Hindi na bago sa amin ang pangingibang bansa dahil yun ang ipinangtaguyod ng ama ko sa amin magkakapatid. Isa akong anak ng OFW kalahati ng buhay ko ay wala si papa sa aming tabi , mahigit dalawang dekada si papa nagtrabaho sa bansang Arabo, mas piniling lumayo para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya. Maging si mama ay naranasan din mag abroad, 2 taon syang naging mananahi ng isang prominenteng pamilya sa Riyadh, isang typical na kasambahay no, day-offs, no overtime pay.
Hindi man lang pumasok sa isip ko na isa sa aming magkakapatid eh pipiliing makapag trabaho sa ibang bansa partikular na sa Middleast. Lahat kameng magkakapatid eh may mga maayos na trabaho at maliit na negosyo na kahit papaano eh nabubuhay ng maayos sa pang araw araw. Bukod pa sa alam namin ang hirap ng buhay na malayo sa Pamilya. Si kuya ay nagsalita na rin minsan na hinding hindi sya mag aabroad, hinding hindi nya pipiliing malayo sa pamilya dahil para sa kanya sipag at tyaga lang ang kailangan maari mo ng marating ang mg pangarap mo sa buhay.

Ang pakikipagsapalaran
Subalit alam natin na walang permanente sa mundo lahat ay pwedeng magbago . Minsan di mo alam may ibang plano pala ang tadhana para sa’yo. To make the story short, matapos ang ilang buwan sumunod na rin ako sa kapatid ko dito sa UAE.
Tuluyan na ring kinain ni kuya ang sinabi nyang di mag aabroad. Pinili na rin nyang makipagsapalaran sa ibang bansa ng subukin sya ng tadhana. Nilimas ng magnanakaw ang computer business nya sa Pilipinas na ilang taon rin niyang pinghirapang ipundar. Bukod pa sa kakapusan dahil sa lumalaking pamilya, kakapanganak lang ng kanyang asawa sa pang apat nilang anak.
Naging maayos ang pakikipagsapalaran namin sa UAE, nabiyayaan ng maayos ayos na trabaho at napupunan naman ang lahat ng pangangailangan ng pamilya. Masaya kame sa puntong ito subalit ang pagkamiss sa pamilya ang unti unting nagpapabigat ng buhay dito sa disyerto. Hindi kailanman matatakpan ng salapi at materyal na bagay ang presensya mo bilang ina, anak at kapatid. Ang mga panahong kailangan nila ng kapiling pag masaya o malungkot man sila.
Ang Bakasyon
Dalawang beses ako kung umuwi sa Pilipinas sa loob ng isang taon, magastos sobra pero aanhin mo ang pera kung ang kapalit naman eh lungkot hindi lamang sa side mo kundi sa mga naiwan mong mahal sa buhay. Kung single lang siguro ako, kaya kong hindi umuwi ng straight 5 years. Ngunit may anak akong kailangan ng gabay ng isang ina. Wala pang sasaya pa sa isang ina na makita ang kanyang anak na nakangiti at tumatalon sa tuwa habang sinasalubong ka sa Airport, priceless ika nga.
Gustuhin ko mang umuwi sa Pilipinas for good para makasama ko na sila, ang mga pangarap ko para sa kanya ang syang nangingibabaw. Alam kong hindi ko kikitain sa Pilipinas ang kinikita ko dito, alam naman natin kung gaano kahirap ng buhay sa Pilipinas. natatakot akong di sya mapag aral sa maayos na school or maibigay ang gustong gusto nyang laruaan at matikman ang mga paborito nyang pagkain, kaya lagi kong pinagdarasal sa panginoon na sana isang araw makasama ko sila dito sa Abu Dhabi.
Ang pagdating
Ako na yata ang pinakamasayang tao noong araw na maaproved ang visa ng family ko. Sa wakas magkakasama na ulit kame, personal ko ng magagabayan ang paglake ng anak ko at magkakatuwang na kame ng asawa ko sa paghahanapbuhay. Pagtutulungan naming mag asawa ang aming kinabukasan, ang makapag ipon agad at makabili ng bahay, makapag tapos sa maayos na skwelahan ang anak ko at makapagtayo ng sariling negosyo sa Pilipinas para kahit papaano ay makatulong sa mga kamag anak kong walang trabaho.

Ang pagbabalik
Sa ngayon ang ay nandito kameng magkakapatid sa Abu Dhabi kasama ang aming mga sariling pamilya. Panandalian namin iiwan ang Pilipinas kasama ang taimitim na dasal na sana ay maging matagumpay ang pakikipagsapalaran namin sa disyerto.
Alam kung dadating ang araw na babalik kame sa lugar kung saan nandon ang puso namin, ang lugar kung saan kame magiging masaya. Masarap pa rin manirahan sa sarili nating bansa, di man kaseng alwa ng buhay na tinatamasa sa UAE, wala pa rin hihigit sa simple, masaya at masaganang pamumuhay sa bayan mong sinilangan kapiling ang mga mahal mo sa buhay.

Ang post na ito ay aking entry sa Pinoy Expat / OFW Blog Award (PEBA). Kung nagustuhan nyo po ang aking sinulat bisitahin po ang kanilang website http://www.pinoyblogawards.com/ pakivote po ang nominee no. 10 – Ang blog ni Ana Banana.
Maraming Salamat po!